​Lassiter, Fajardo nambraso 2-1 pinasan ng San Miguel​

marcio-lassiter1

Nilasing ng San Miguel Beermen ang Magnolia Hotshots, 111-87, sa Game 3 ng kanilang best-of-seven finals series ng PBA Philippine Cup kagabi sa SMART-Araneta Coliseum.

Magkatuwang sa opensiba sina ‘Super Marcio’ Lassiter at ang four-time reigning Most Valuable Player (MVP) na si June Mar Fajardo, na bumalikat ng 24 at 21 puntos para sa defending champs.

Umangat sa 2-1 ang Beermen sa race-to-four finals at ayon kay coach Leo Austria, inaasahan niyang mas paghahandaan pa sila ng Magnolia sa sunod nilang laban.

“We will take this win. Pero hindi pa tapos ang laban, surely Magnolia will make adjustments and we will be ready,” sabi ng 60-anyos na si Austria na may limang kampeonato na bilang PBA coach, lahat sa San Miguel.

Maagang kumalas sa double-digit lead ang mga serbesa, 29-16, pero tinapyas ito ng limang sunod na puntos ni Aldrech Ramos kabilang ang isang three pointer, bago tumunog ang buzzer sa unang period.

Naiba ang ihip ng ha­ngin pagtuntong ng ikalawang yugto nang sunud-sunod na nagpaputok ng tres ang mga tirador ng Hotshots na sina veteran Peter Jun Simon at ang playmaker na si Paul Lee upang ibuhol ang iskor, 43-all, lampas tatlong minuto sa orasan.

Mula dito ay nagpalitan na ng puntos ang magkabilang panig at natapos ang unang half na angat ng isa ang San Miguel, 50-49.

Nanguna para sa Magnolia si Marc Barroca na kumana ng 22 puntos, katulong si Lee na may 15.

Balik ang aksyon sa Game 4 ngayong Miyerkoles, April 4, sa Big Dome pa rin.