SA November 21 na pala ang expected due ni Mariel Rodriguez na nasa Amerika na ngayon para doon manganak.

Nandito pa rin si Ro­bin Padilla dahil hindi pa rin siya nakakuha ng US visa.

Hindi raw nawawalan ng pag-asa si Ro­bin dahil tingin niya, pagbibigyan siya ng US Embassy para nandu’n siya sa panganganak ni Mariel.

“Hindi ko naman nakita na magiging problema ako ng United States of America. Ako naman ay mabuting tao sa palagay ko, at hindi naman ako gagawa ng gulo dun.

“Kailangan ko lang suportahan ang asawa ko,” pahayag ng aktor.

Araw-araw ay nagpi-Facetime daw silang mag-asawa para ma-monitor niya ang pagbubuntis nito.

Diabetic kasi si Mariel kaya may tinuturok pa itong insulin at iba pang gamot.

Dati raw eh siya pa ang nagtuturok pero, ngayong hindi niya kasama si Mariel, ito na raw mismo ang nagtuturok sa sarili. Iyun lang daw ang kaibahan dahil hindi niya kasama ang asawa.

Mariel Rodriguez
Mariel Rodriguez

Sa ngayon ay okay raw ang kalagayan ni Mariel, pero sana eh makakuha siya ng visa bago manganak ang asawa.

Hindi lang maipaliwanag ni Robin kung anong visa ang kinukuha pero parang parole visa raw iyun na kinukuha ng isang taong na-convict at nakulong.

“Pero tingin ko naman, walang dahilan na i-deny ako ng United States of America dahil hindi naman ako kalaban,” dagdag niyang pahayag.

***

Mark Anthony Fernandez
Mark Anthony Fernandez

Patuloy na nagdara­sal si Robin na malagpasan ng pamangkin niyang si Mark Anthony Fernandez ang pinagdadaanan nito.

Nang pumutok ang balitang nahuli si Mark Anthony, isa siya sa u­nang tumakbo sa Pampanga pero hindi na ito nagpakita sa media.

Nasa sasakyan lang siya at ang manager niyang si Betchay Vidanes ang pinababa at pinaa­sikaso sa loob.

“Hinintay ko na lang na makarating siya du’n sa kanyang final abode, du’n na lang ako pupunta. Du’n na lang kami magkita at makapag-usap,” saad pa ni Robin.

“Pero sa ngayon, ang kailangan ni Mark, ang Panginoong Diyos. Hindi kami.

“Lahat kami, lahat tayo, support lang. Pero ang kailangan niya sa panahon ngayon ang relationship niya sa Panginong Diyos. Iyun ang number one na lalapitan niya,” dagdag na tugon ni Robin.

***

Inilipat na si Mark sa Pampanga Provincial Jail, at mas mahigpit daw roon.

Hindi pa namin nadalaw ang aktor, at balak naming dalawin para kumustahin at mabu­ting sagutin na rin niya kung totoong pinag-iinitan ba siya roon ng ilang inmates.

Iyun ang narinig naming kuwento dahil feeling daw ng ibang nakakulong doon ay may special treatment ang aktor.

Nilinaw na ‘yan noon ni Alma Moreno na wala silang special treatment at sumusunod sila sa patakaran.

Medyo nahirapan daw sila sa bagong nilipatan ni Mark Anthony dahil mahigpit ang visiting hours doon.

Halos buong araw ay nakatambay roon si Alma para makakuha siya ng number sa mga gustong dumalaw.

1:00-4:00 PM lang daw talaga ang oras ng dalaw, kaya maaga pa lang ay kumukuha na sila ng number para makapasok sila. Kapag inabot ka raw kasi ng 3:30 PM o basta bago 4:00 PM, malabo ka nang makapasok, at sa susunod na araw ka na lang mapagbibigyan.

Kaya halos nakatutok sila roon, o kaya ang abogado na niya ang magbabantay para makapasok.

Puwede kasing pumunta ang abogado anytime, kaya ang ilan ay sumasabay na lang.

Nagpapasalamat sina Alma sa lahat ng nag-aalala at gustong dumalaw, pero mas kailangan daw nila ngayon ay patuloy na pagdarasal na malagpasan nila ito at kakayanin pa ni Mark Anthony ang hirap sa loob ng kulu­ngan.

2 Responses