Bumulaga na naman ang sandamukal na mga basura na iniwan ng ating mga kababayang dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal na buhay sa ilang sementeryo sa Metro Manila kasunod ng paggunita sa Undas.
Sa inisyal na ulat pa lamang ay libu-libong basura na ang nahahakot at inaasahang madadagdagan pa ito pagkatapos ng Nobyembre 2.
May isang grupong nagboluntaryong mangolekta ng basura sa Manila South Cemetery kung saan nakahimlay ang may 300,000 mga patay sa lawak na 25 ektaryang sementeryo.
Sa report ng Tzu Chi Foundation isang non-government organization ay nakakolekta na sila ng 1,484 kilong mga basura.
Naitala naman sa South Cemetery na umabot na sa 3,000 kilo ng basura ang kanilang nakokolekta.
Dahil sa tambak na basurang tumambad sa mga sementeryo, lumalabas na walang iniwang aral ang mga naging paalala ng iba’t ibang environment group bago ang Undas na maging responsable at huwag magkakalat o mag-iiwan ng basura sa mga pupuntahang sementeryo.
Hanggang kailan kaya paiiralin ng ilan nating kababayan ang pagiging walang pakialam sa pangangalaga sa ating kapaligiran? Sana ay tapos na, sana ay huli na ang Undas ngayon.
Mawawalan kasi ng silbi ang pagdalaw natin sa puntod ng mga mahal natin sa buhay tuwing Undas kung hindi natin binibigyang pagpapahalaga ang lugar kung saan sila nakahimlay.
Dapat katulad ng pagmamahal natin sa mga namayapa nating mahal sa buhay ay ganundin ang gawin nating pagpapahalaga sa bisinidad kung saan sila nakahimlay.
Panatilihin natin ang kalinisan ng mga sementeryo dahil pagpapamalas na rin ito ng ating respeto hindi lamang sa mga dinadalaw nating yumaong kaanak kundi sa lahat ng nakahimlay dito.
Hangad natin sa mga susunod pang Undas ay maging hamon na sa bawat isa sa atin ang pagbibitbit ng basurang dala upang pag-alis natin ng mga sementeryo ay malinis din nating iiwanan, katulad ng ginawa nating paghahandang paglilinis bago gunitain ang Undas.