Tumataginting na P30 milyon ang inalok umano ng abogado ng mga drug lord na si Atty. Raymund Fortun kapalit ng pagbabalik ng kanyang mga kliyente na kabilang sa Bilibid 19 sa New Bilibid Prison (NBP) na inilipat sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ito ang isa sa huling isiniwalat ni Jaybee Sebastian sa House committee on Justice kagabi sa pagtatanong ni Parañaque Rep. Gustavio ‘Gus’ Tambunting.

Ang Bilibid 19 ay inilipat sa NBI noong Disyembre 2014 na kinabibilangan nina Vicente Sy, Peter Co, Tom Chua, George Sy, Sam Lee at iba pa at ibinalik lamang noong Agosto 2, 2015 o pagkalipas ng 8 buwan.

“Actually sinubukan nila akong tawagan noong nasa NBI sila eh, through Atty. Fortun,” ani Sebastian kaya tinanong ni Tambunting kung sinong Atty. Fortun ang kanyang tinutukoy.
“Raymun Fortun,” ani Sebastian.

“Gusto nilang kumonekta sa akin, sinubukan nilang kausapin ako baka kaya ko raw pakiusapan si director (Franklin) Bucayu o Secretary De Lima para maibalik sila,” dagdag pa ni Sebastian.

“Nag-o-offer sila ng P30M para makabalik sila sa maximum security compound. Sabi ko si Bucayo na lang kausapin niyo,” dagdag pa ni Sebastian.

Hindi naman masabi ni Sebastian kung natuloy ang transaksyon.