Hindi raw matitinag si Quezon City Police District Director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar sa kahit anong klaseng pananakot ng sindikatong kanyang nasasagasaan dahil sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
Walang pag-amin mula sa masigasig na opisyal pero may napaulat na kamakailan lamang ay isang korona ng patay ang ipinadala kay Director Eleazar.
Batid naman natin na ang pagpapadala ng korona ng patay ay sumisimbolo ng pananakot o pagbabanta.
Kanya nga lamang tila walang dating kay Director Eleazar ang mga pahiwatig na ito ng sindikato na nasasagasaan ng kanyang mga tauhan dahil nagpahayag ang opisyal na asahan raw ang lalo pang pagtindi ng giyera sa laban sa iligal na droga.
Sabagay aminado naman si Eleazar na sa gitna ng seryoso niyang paggampan sa kanyang mandato ay may mga nasasagasaang malalaking isda lalo pa’t hindi rin niya pinalalagpas maging ang sariling mga tauhan.
Malinaw na pruweba rito ay ang pagsibak ni Director Eleazar nitong Hulyo 27 sa 88 mga tauhan ng Anti-Illegal Drug Units ng QCPD, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng mga station commander.
Bukod sa 88 naunang sinibak na taga-illegal drugs unit ay may nauna na itong sinibak na 53 tauhan din ng anti-illegal drugs ng QCPD Station 6.
Sa mga sinibak ay 35 ang nire-assign sa Mindanao.
Mahirap pero kailangan, anang opisyal, na may masibak sa puwesto upang hindi makontamina at hindi na mahawa ang ibang mga pulis na nananatiling tapat sa tungkulin.
Dahil human resources ang siyang pangunahing asset ng pulisya, wala nga namang ibang pagpipilian si Eleazar kundi tanggalin ang mga may diperensya at sila ay palitan, para ang kontaminasyon ay hindi na lumawak.
Ang hakbang na ito ni Eleazar ay tila isa ring porma ng “quarantine” dahil ang mga pinagdududahang mga tauhan ay pansamantalang inaalis sa puwesto at sumailalim sa imbestigasyon hanggang sa matukoy kung sila nga ba ay may dapat panagutan.
Sana ganitong sistema rin ang ipatupad ng iba pang opisyal ng pulisya upang matiyak na solido at seryoso ang laban sa iligal na droga.
Sabi nga ni Director Eleazar ang pagbabagong inaasam ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at National Capital Region Police Director Chief Supt. Oscar Albayalde ay hindi drawing dahil siniseryoso nilang mga nasa ibaba ang pagpapatupad ng misyon na walisin ang iligal na droga gayundin ang mga nasa likod ng operasyon nito at higit sa lahat ay hindi sila padadala sa mga death threat bagkus ay gagawin nilang lahat ang makakaya para mapagtagumpayan ang laban.