Aligaga raw ngayon si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pag-iikot ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipaalala sa mga miyembro ng PNP na nalalapit na ang anim na buwang palugit na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte para wakasan ang problema sa iligal na droga, krimen at korupsiyon sa bansa.
Nababahala ang liderato ng PNP na baka hindi makayan ng kapulisan ang inilunsad na giyera sa iligal na droga.
Sakaling mabigong mapagtagumpayan ang laban ang magiging kahihinatnan anang PNP chief ay pagkatalo nila sa inilunsad na kampanya kontra illegal drugs.
Ang gobyernong Duterte sa pangunguna ng PNP ay nasa ikatlong buwan na sa kapangyarihan at tatlong buwan na lamang ang nalalabi para makamit nila ang tagumpay sa laban.
Ang ginagawang aksyong ito ng PNP ay pagpapamalas ng kanilang sinseridad na pagtagumpayan ang laban sa iligal na droga na atin namang hinahangaan.
Pero ang sa amin, hindi kailangan ang deadline sa labang ito sa iligal na droga. Ang dapat ay puspusan at walang humpay dapat na pakikipaglaban upang tuluyang mabura sa ating lipunan ang mga nagpapakalat ng iligal na droga na sumira sa buhay ng maraming Filipino.
Kaya ang sa amin, mapatagumpayan man o hindi ang anim na buwang ibinigay ng gobyerno sa kanilang sarili para wakasan ang problema sa iligal na droga ay hindi na ito malaking kuwestyon sa sambayanang Filipino.
Dahil ang mahalaga sa puntong ito ay nakita ng mga mata ng bawat Filipino kung papaano isinakatuparan ng pamahalaan sa pangunguna ng PNP ang pagtunton sa mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa, mapa-malaki o maliit man itong personalidad.