Pinaalalahanan ni Philippine ­National Police Chief Director General Ronald dela Rosa ang mga miyembro­ ng kapulisan na hindi lamang problema sa iligal na droga ang kinakaharap ng bansa­ sa kasalukuyan.

Kaya iginiit ng PNP chief na hindi dapat nakatutok lamang ang atensyon ng mga kapulisan sa illegal drugs kundi maging sa terorismo at iba pang uri ng krimen o  ang tinaguriang street crimes.

Paalala ng liderato ng PNP, hindi rin pwedeng pabayaan ang iba pang problem­a gaya ng simpleng street crimes, robbery, carnapping, at iba pang krimen­ na nagdadala ng panganib sa buhay ng ating mga kababayan.

Bukod sa pagtutok sa nasabing uri ng mga krimen ay pinayuhan din ng PNP chief ang mga miyembro ng PNP na tumupad sa tungkulin lalo na sa tuwing­ nagsasagawa ng checkpoint ng may dignidad at punumpuno ng ­pagpapasensiya.

Higit sa lahat ay ipamalas, aniya, sa taumbayan ang pagiging propesyunal at may integridad.

Inulit muli ng PNP chief ang  habi­lin­ sa mga miyembro ng kapulisan na ang bawat operatiba ay may mabigat na kautusang tiyakin ang proteksyon ng karapatang-pantao at obserbaha­n ang paggalang sa mga motoristang dumadaan sa checkpoint at ipatupad­ ng istrikto ang police operational procedure.­

Saludo tayo sa walang sawang pagpa­paalala ng PNP chief sa mga dapat gawin ng mga miyembro ng kapulisan ngayong maigting ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Tama, hindi dapat nakatutok lamang ang kapulisan sa pagsawata sa iligal na droga dahil napakarami pang nangyayaring krimen sa bansa kagaya ng mga terorista na masyadong marahas kung umatake bukod pa sa mga nangyayaring street crimes.

Kinikilala natin ang kakayahan ng ating kapulisan­ pero ang sa amin, kailangan talaga ng gabay ng namumuno upang tamang direksyon ang tahakin­ ng mga miyembro ng PNP.

Kumbaga nasa pamumuno talaga ang pagtino­ ng mga tauhan na siyang umiiral ngayon sa PNP.

Hangad nating magtuluy-tuloy ito hanggang sa mapagtagumpayan ang laban sa kriminalidad, ­gayundin sa mga scalawag sa ating kapulisan.