Nasawi matapos pagbabarilin ng lalaking magkakaangkas sa dalawang motorsiklo ang isang tricycle driver matapos na hindi makapag-remit ng perang kita sa droga kamakalawa ng gabi sa Sta. Ana, Manila.

Kinilala ang biktimang si Sandrex Ampo-An, 31, residente ng 1212 Santan St., Punta, Sta. Ana, Manila na namatay noon din bunsod nang tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek na inilarawang nakasuot ng bonnet at pawang armado ng ‘di batid na kalibre ng baril.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Rey Rabut, ng Manila Police District-Police Station 6 alas-11:00 ng gabi nang maganap ang krimen habang nagpapahinga ang biktima sa kanyang tricycle, na may plate number na 9810 OE, na nakaparada sa Taal St., kanto ng Santan Street sa Punta, Sta. Ana, Manila.

Sa salaysay sa pulisya ni Barangay Kagawad Recardo Felix, nakaupo umano ang biktima sa driver’s seat ng tricycle, nang hintuan ng mga suspek at kaagad na pinagbabaril bago tumakas.

Sa impormasyon ng pulisya, mula sa kapitbahay ng biktima na ang pamamaril posible umanong dahil sa pag­kabigo nitong mag-remit ng pera na napagbilhan umano nito ng iligal na droga.

Aminado naman ang kapatid ng biktima na si Michelle, 27, manikyurista, na drug user ang kapatid ngunit itinangging nagbebenta ito ng iligal na droga.

One Response