‘Di pakakawalang pagkakataon

Dear Kuya Rom,

Call me Zeny. Ako ay high school graduate. ­Empleyado ako sa isang kompanyang nagbibigay ng trabaho sa mga kabataang tulad ko. Ang mga katrabaho ko ay nagsasabing maganda ako, pero hindi ko sila pinapansin.

Isang araw, nagkaroon kami ng bagong supervisor. Naging malapit siya sa akin. Sabay kaming kumakain kapag break time at nag-uusap. Alam niyang wala akong boyfriend. Ang kuwento niya, iniwan siya ng kanyang girlfriend dahil sa sobrang selo­s kasi maraming babae ang nagkakagusto sa kanya.

Ipinagtapat niyang mahal niya ang girlfriend niya. May oras na tahimik siya, hindi nagsasalita. Nakatingin lang ako sa kanya.

Ang totoo, parang artista ang mukha niya. Crush ko siya. Hindi ko pakakawalan ang pagkakataong maging boyfriend ko siya. Pero ang gusto ko ay tunay na pag-ibig. Ayaw kong maging panakip-butas lang ako sa nawalang babae sa kanyang buhay.

May feelings ako sa kanya. Gaano katagal akong maghihintay para pag-usapan ang aming nararamdaman? Paano ko siya kakausapin? Thanks for any advice. More power. — Zeny

Dear Zeny,

Araw-araw kayong nag-uusap. Hindi problema kung paano mo siya kakausapin. Bawat araw ay pagkakataon sa iyo para makausap siya at magbigay ng encouragement sa kanya.

Buksan mo ang usapan sa pamamagitan ng pagpapakita mo ng malasakit sa kanya: “Kamusta, bossing? Hope you are okay.”

Igalang mo ang kanyang pananahimik. Kapag nakikita at nakakaharap ka niya, posibleng naaalala niya ang kanyang girlfriend, at siya ay natatahimik. Posibleng galit siya at sinisisi ang sarili sa mga nangyari. Maaaring nasasaktan pa rin siya sa paglayo ng girlfriend niya. Kailangan niya ng panahon para maghilom ang sugat sa kanyang dibdib.

Oo, crush mo siya, may feelings ka sa kanya, at hindi mo pakakawalan ang pagkakataong maging boyfriend mo siya. Pero hindi ito madaling mangyari, ­sapagkat ang lalaking napupusuan mo ay may natatanging babae na nananatili sa kanyang puso.

Kaya’t huwag kang magmadali. Kailangang maghintay ka. Hintayin mo ang sandaling bubuksan niya ang usapan tungkol sa mga nangyayari sa kanya at mga nararamdaman niya.

Ang tamang pagkakataon ay kusang dumarating; hindi ito napaplano at piliting mangyari.

Kapag ang pagkakataon ay puwersado, ito ay sumasama. Tulad ito sa isang bunga, sumasama ang lasa kung hinog sa pilit.

Habang ikaw ay naghihintay, ikaw ay manala­ngin. Ipagkatiwala mo sa Diyos ang iyong buong buhay. May mabuting plano Siya para sa iyo. Ayon sa kalooban Niya, darating ang tamang pagkakataon at tamang lalaki para sa iyo. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom