Aminin o hindi — pinalakas ni dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pamahalaang lokal sa nagdaang 6-taon, maliban kung sadyang nagbubulagan ang mga kritiko na ngayo’y nakikisilong sa bagong administrasyon na inaasahang mag-aalsa balutan din kapag hindi nakuha ang kanilang gusto.
Kahit kailan, hindi nakuntento ang mga kritiko; sa una’y tipong maamong tupang susunod-sunod sa administrasyon subalit kapag napakinabangan ang nakaupong Pangulo, tiyak mag-iingay at lalabas ng kalsada para ipakitang sila ang matuwid at feeling pang “hero” dahil sila diumano ang nakadiskubre ng mga kapalpakan ng gobyerno.
Matagumpay ang programa ni PNoy sa mga lokal na pamahalaan, malinaw ang distribusyon ng pondo at kapangyarihan partikular sa malalayong lalawigan o kanugnog lugar na halos kinaligtaan sa mahabang panahon dahil hindi naman importante ang bilang ng mga botante kapag halalan.
Kalokohan kung itatanggi nina ex-Albay governor at ngayo’y Albay Representative Joey Salceda, Biñan City Mayor Len Alonte at iba pang local officials ang pagbabago sa kanilang lugar. Sa balwarte ni Salceda, itoy madalas salantain ng kalamidad subalit patuloy ang paglago ng ekonomiya dahil suportado ng pamahalaan.
Ang dating munisipalidad na kinalalagyan ni Alonte na ngayo’y kongresista — itoy naging lungsod, patunay ang malaking transpormasyon sa nagdaang 6-taon dahil hindi kailanman pinabayaan ng national government.
Ang paglaan ng pondo sa mga serbisyo para sa pangangailangan ng mga nasasakupan ang prayoridad ni PNoy, katulad libreng edukasyon at paglinang sa kasanayan ng mga high school students ang naging solusyon para makahanap ng trabaho kahit hindi makatuntong ng kolehiyo.
Subukan ninyong pumasyal ng Iloilo, hindi sukat akalaing magiging world class ang dating squatters area at ilog na tapunan ng basura; maging kalsada at parke mapagkakamalang nasa Europa dahil sa mapang-akit na disensyo ng lugar.
Ang pagkapit-bisig ng national at local goverment ang susi kung bakit sumigla ang ekonomiya ng bawat pamayanan. Hindi man sa Albay, Iloilo o Laguna, subukan nyong mamasyal sa ibang probinsiya– napakalayo ang pagkakaiba kumpara sa dinatnan ni PNoy.
Mismong lalawigan ng inyong lingkod — ang Romblon na animo’y pinagtampuhan ng panahon simula nang mauso ang salitang gobyerno sa libro — ito’y nagbago sa panahon ni PNoy; ang kalsadang maalikabok, simula pagkabata hanggang nag-asawa ang inyong lingkod ngayo’y sementado. Salamat kay PNoy, maging kay ex-DPWH secretary Babes Singson na hindi tiningnan kung gaano kadami ang botante sa Romblon bago ipagawa ito.
Lahat ng nangyaring transpormasyon sa ibat ibang pamayanan, itoy dahil sa matuwid na gobyerno. At kahit anong paninira at “special ops” sa social media ng mga naglipanang “trolls”, dapat ipagpasalamat ang pagkakaroon ng tapat at matinong Pangulo. Kung hindi dahil kay PNoy, saan dinala ang mga Pilipino — kung iba ang nanalo, partikular ang kandidatong “pera ang sina-Santo”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
Bilib ako sa iyo Mr. Marfil. Kahit alam mo na marami pa ring kokontra sa mga sinabi mo, itinuloy mo pa rin. Ang mga loyalists ng mga kalaban sa politika ni Pnoy ay pilit na igigiit ang sa tingin nila at mali sa ginawa niya without giving credit on the good things he has done.
tama po kayo Sir Rey Marfil, salamat nmn at may katulad pa po sainyo na responsible journalist na walang kinikilingan, ako man po ay nde mka Pnoy, pro nagpapasalamat din po ako sa mga nagawa nya kahit nde man naging perpekto ang kanyang administrasyon me mga nagawa naman syang kabutihan para sa bansa at napanatili ang malagong ekonomiya.