Kahit sino, magiging emotional kapag nakitang gutay-gutay at nilapastangan ang katawan ng isang tao — ito’y ordinaryong eksena tuwing meron sun­dalong napapatay sa engkwento kontra bandidong Abu Sayyaf.

Mas masahol pa sa hayop at lalong hindi rin gawain ng isang matinong tao ang pagtatagain ang isang sundalong nakabakbakan sa giyera. Kaya’t ni katiting walang karapatan ang Abu Sayyaf bigyan tsansang mabuhay — ‘di hamak mas masahol sa mga drug lord at pusher ang mga ito.

Bagama’t napakaseryosong problema ang illegal drugs, mas higit kailangang pagtuunan ng pansin ngayon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bandidong Abu Sayyaf dahil imahe ng bansa ang nasisira.

Kung puso at pagiging makatao rin lang naman ang pag-uusapan, kahit isang letra sa mga katagang nabanggit, walang pagsisidlan ang Abu Sayyaf dahil malinaw ang kanilang hangarin sa mundong ito — ang manira ng buhay at hindi katanggap-tanggap ang parusang ipinapataw sa mga kalaban.

Normal ang malagasan ng tropa sa giyera, ito’y tanggap ng pamahalaan, mas lalo sa panig ng mili­tar na walang reklamo kahit ilan ang mapatay sa tropa, hindi katulad ni ex-general Napeñas na sa halip akuin ang pagkakamali sa Maguindanao ay nahanap pa ng damay kaya’t maraming sumawsaw.

Maganda ang direksyong tinutumbok ni Pangulong Rodrigo Duterte — ang pagbuhos ng pwersa sa pinagkukutaan ng Abu Sayyaf dahil katulad ng illegal drugs, mas malaking epekto sa international community ang walang katapusang pagkidnap, mapa-lokal o dayuhan.

Bagama’t lumalaking usapin ang extra-judicial killings sa international media, hindi maitatangging mapapawi ang agam-agam ng mga dayuhan tungkol sa peace and order situation sa Pilipinas kapag nakitang napulbos ng pamahalaan ang Abu Sayyaf.

Mas kalunos-lunos ang biktima ng Abu Sayyaf­; kapag hindi nakapagbayad ng ransom, animo’y hayop kung pugutan ng leeg; mas masahol pa ang ginagawa sa mga sundalong nako-corner dahil pinagtitigpas ang katawan at kung anu-anong pambaboy sa mga ito.

Hindi gawain ng isang tao ang mambaboy sa katawan ng patay, malinaw na wala sa katinuan ang Abu Sayyaf at hindi rin maitatangging gumagamit ng illegal drugs para gawin ang mga ganitong aksyon. Makailang beses na laman ng peryodiko ang senaryong sangkot sa illegal drugs ang bandidong grupo at bumabatak bago patayin ang mga bihag nito.

Bagama’t malabong mapulbos ang Abu Sayya­f kundi uunahin ni Duterte ang ilang local offical na nagsisilbing financier ng bandidong grupo, parang ‘kapeng 2-1’ lang ang peg ng pamahalaan dahil maaring mapahina ang pagdukot at mapupu­tol ang daloy ng illegal drugs sa Mindanao. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)