‘KILL DUTERTE’ NG ISIS AT BIFF

Rodrigo Duterte

Ibinunyag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Director Ge­neral Ronald ‘Bato’ dela Rosa na may ­natanggap itong intelligence ­report na nakikipag-ugnayan at kasunduan na sa hala­gang mula P10 ­milyon hanggang P50 ­milyon ang mga drug lords sa mga miyembro ng jihadist group ISIS at sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) para patayin si Pangulong Rodrigo Duterte.

“May mga drug lord na nagbabayad, umaabot na sa personalities sa ISIS at BIFF. Lumalapit na sila dahil nahihirapan na sila maghanap ng tirador. To the extent na roadside bomb, car bomb na ang gagamitin,” pahayag ni Dela Rosa sa isang press conference sa Davao City kahapon.

Inihayag din ng PNP chief na siya rin mismo ay target ng mga drug lords dahil sa walang humpay at pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs.
“Sa totoo lang they are now moving heaven and earth,” wika pa ni dela Rosa.

Sinabi ni dela Rosa na sa ngayon ay nakatatanggap na siya ng mga pagbabanta at pananakot pero matapang nitong sinabi na hindi ito natatakot.
“Sanay naman tayo. Tatanggapin ko. I am ready to die anytime. Di ako takot mamatay. Di tayo natatakot diyan. Bahala sila,” ani dela Rosa.

“Bahala na si Lord kung gusto niya mamatay na si Presidente, kung gusto niya mamatay na ako. He can take my life anytime. Wag kayong mag-alala hindi ako takot,” ayon pa sa PNP chief.

Bago matapos ang press conference ay diretsahan at matapang na inihayag ni Dela Rosa na sa kabila ng pagbabanta sa kanilang buhay ni Pangu­long Duterte ay hindi ito magiging hadlang para hindi ipagpatuloy ang pina­igting na kampanya kontra sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan.

“Sa isang region kailangan within six months maubos na yun lahat, mapa-surrender mo, ma-neutralize mo, basta maubos lahat. Yung number of drug personalities sa kanilang lugar, dapat ma-neutralize. Either mapaaresto, surrender o mapatay sa drug ope­rations. Dapat ma neutra­lize,” wika pa ni Dela Rosa.

Sinabi rin ng chief PNP na na marami pang mga drug lords at pawang mga armado ang mga ito.

“Pero tingnan natin hanggang saan ang kaya nila at hanggang saan ang kaya natin,” dagdag pa nito.