Nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pulis at ang kasama nitong sibilyan na sangkot umano sa pagre-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga makaraang isailalim ito sa anti-illegal drug operation sa Las Piñas City kamakalawa.
Kinilala ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin ang mga suspek na sina SPO1 Jommel Andador at Richard Gargallo.
Nakatalaga si Andador sa Criminal Investigation and Detection Group-Regional Office 4B at lagi umano itong sumasama sa mga operasyon ng Southern Police District bilang asset ng kanyang mga kabaro sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga target na arestuhin sa droga.
Pero matapos ang matagumpay na operasyon ay saka naman nagbebenta ng mga nakumpiskang shabu si Andador sa Southern Luzon.
Nakumpiska kay Andador ang tatlong M2K hand grenade, dalawang caliber .45 revolver, live ammunitions at plastic sachet ng shabu.
Narekober naman kay Gargallo ang isang caliber .40 pistol, caliber .345, caliber .223 rifle with scope, mga bala at identification cards na may iba’t ibang pangalan.
Tinawag ng Philippine National Police na ‘ninja cops’ ang mga pulis na bahagi umano ng lehitimong anti-illegal drugs operations ngunit nire-recyle o muling ibinebenta ang mga nahuhuli nilang droga.