Nakaabang ang media sa bawat buka ng bibig ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung sinu-sino pa ang kanyang mga ibubunyag na pangalan ng mga lokal na opisyal at miyembro ng kapulisan na sangkot o protektor ng mga drug supplier.
Mas marami pa umanong public officials, kabilang na ang mga kongresista, gobernador at kapitan ng mga barangay, na umano’y sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno, hindi pa kumpleto ang listahan na nauna nang inanunsyo ni Presidente Duterte nitong weekend.
Wala pa ang pangalan ng mga alkalde sa Metro Manila. Meron daw eh? Sinu-sino kaya?
Hinihintay din natin ang listahan ng mga kapitan at kagawad ng barangay. Naku, maraming barangay ang napapaulat na talamak ang bentahan ng droga! Hindi kaya, ‘Batman and Robin’ tandem sina kapitan at ang hepe ng presinto bilang mga protektor?
Karamihan sa mga pinangalanan at sumukong mayor at opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay itinanggi ang kanilang pagkakasangkot sa drugs. Sa katunayan daw ay sila pa nga ang nangunguna sa kampanya para manghuli nito.
Bueno, hindi po katibayan na kesyo marami silang huli ay hindi na sila involved. Baka naman kaya masigasig silang mag-operate ay para mas marami silang nai-recyle? Nagtatanong lang naman.
Hindi tayo magtataka kung bakit sa kabila ng lahat ng napakadaming nasasakote na shabu ay patuloy pa rin ang talamak at lantarang bentahan nito. Iyan ay dahil daw sa mga ‘ninja cops’ o ‘yung mga pulis na nagre-recycle ng droga mula sa kanilang mga huli.
Matatandaan na natagpuan ang isang hinihinalang biktima ng summary execution, mistula niyang ‘ikinanta’ ang siyam na ‘ninja cops’ o nagre-recycle ng nakukumpiskang shabu, makaraang matagpuan sa kanyang katawan ang listahan ng pangalan ng siyam na mga pulis.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District–Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang lalaking biktimang nakagapos ang mga kamay at laslas ang leeg, sa Central Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa katawan ng biktima ay may karatulang nakasabit at nakasulat ang katagang: “Drug pusher ako ng mga pulis na nagre-recycle ng shabu,” at ang pangalan nang sinasabing siyam na ninja cops.
Base sa ulat ng CIDU ang mga nakalistang pangalan ay sina Captain Damaso Gayatao alyas ‘Father’, PO3 Jojo Torrefiel, PO2 Max Tarafe, PO3 Mike Narag, PO2 Christian Barredo, PO2 Richard Galvez, PO2 Gary Gaerlan, PO1 Balistog at isang Tata Glen.
Dapat ay alaming mabuti kung totoong sangkot sa pagre-recycle ng shabu ang siyam at aalamin din kung saan sila nakatalaga. Maari rin namang baka inililigaw lamang ng mga gumawa nito ang mga awtoridad para hindi matukoy ang tunay na ‘ninja cops.’