
IKINATUWA ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar ang panggagaya sa kanya ni Alden Richards sa Sunday PINASaya.
Si Alden si ‘Martin Paandar’ sa nasabing Sunday show na tagapagpakilala ng mga magtatanong kay Pangulong Rodney ‘Dugong’ Juterte (Jose Manalo).
Sey ni Sec. Martin, nakakataba ng puso ang ma-spoof ng sobrang guwapo at isa sa pinakasikat na artista ngayon kaya nagpapasalamat siya.
Lamang daw sa kanya si Alden ng sampung paligo.
Tungkol sa PRESSTITUTES (prostitutes) na taguri ni Mocha Uson sa mga mamamahayag, ang sabi ni Martin ay kanya-kanya tayo ng pananaw.
‘Yun ang pananaw ni Mocha and she is entitled to her own opinion.
Sa mga nagsasabing may negative impact sa gobyerno ang mga ganu’ng pahayag ni Mocha tungkol sa press, ang sabi ng dating TV5 news anchor, ang tungkulin niya ay protektahan ang opisina ng Pangulo bilang Press Secretary nito at magbigay ng tamang mensahe sa publiko.
Katwiran niya, ang mga debate sa social media ay walang kontrol dahil free space ito.
Kaya tumanggi siyang makisawsaw sa isyu ni Mocha with the press.
Doon sa isyung walang proper coordination ang PCO at ang Pangulo kaya madalas na magkakaiba ang kanilang mga pahayag, ang sagot ni Martin ay malinaw na isang opisina lang ang opisyal na tagapagsalita at awtorisadong magbigay ng pananalita mula sa Pangulo at ‘yun ay ang POC.
Aminado si Sec. Andanar na ‘very challenging’ ang maging tagapagsalita ni Du30 dahil napakagaling daw nitong communications person at may sarili itong istilo.

Aniya, hindi standard o conventional playbook ang sinusunod ni Digong kaya challenging. Pero nandu’n sila para mag-adjust sa Pangulo.
“May adjustments, but we will get there,” confident na sambit ni Martin, na nu’ng tinanggap ang naturang trabaho ay alam na 24/7 job ito at very stressful.
Alam niya na hindi ito madali, pero bawat segundo ay worth it dahil para ito sa mga Pilipino.
Nabanggit din ng Kalihim na plano nilang palakasin ang government-owned media outlets na PTV-4 at Radyo ng Bayan, pati na ang Philippine Information Agency, Philippine News Agency at National Printing Office na napabayaan at nakakaawa ang kondisyon.
Maraming pagbabagong gustong gawin ang kanyang opisina at isa na rito ang pagtatayo ng People’s Broadcasting Corporation (PBC, na mala-BBC ng UK) na magiging state broadcasting platform at alternative sa existing commercial broadcast stations.