‘PPP Racing Cup’ ratsada ngayon

Pasisibatin ang 10 matitikas na kabayo para mag-unahan sa gaganaping ‘PPP Racing Cup’ mamayang hapon sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Ang nasabing karera na may 1,200 meter race ay para sa mga Press Photographers of the Phi­lippines.

Pinapatok sa karera tips ang kalahok na si Ariston na gagabayan ni class A rider Jessie B. Guce.

“Anybody’s race ito at siguradong lahat ng kasali dito ay naghanda para manalo sa karerang ito,” wika ni Guce na siyang rumenda kay Underwood na nagwagi sa 3rd Leg ng Triple Crown Series nakaraang linggo.

Inaasahang magbibigay ng magandang laban sina Wafu The King, Angel Brulay at Ro­bert’s Magic sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (Philracom).

Kalahok din sa event na may P180,000 premyo sa mananalong kabayo ay sina Divisoria,Mr. Enrico, Show Off, Papaplsdontflirt at coupled entry Binirayan at Jalapenio.

Samantala, magbabakbakan ang limang imported horses para sikwatin ang halagang P300,000 premyo sa 2016, PHILRACOM ‘4th Leg Imported/Local Challenge Race’.

Walang local na kabayo ang nakasama sa event na may distansyang 1,900 meter race.

Dahil sa impresibong pananakbo nina Austra­lian horses at magkakamping Holly Bear at Our Angel’s Dream ay paniguradong hahagot ito ng benta mula sa ra­cing aficionados.