Patay ang isang tricycle driver na pinagbintangang police asset nang pagbabarilin ito ng umano’y drug pusher, kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Luis Garcia, 23, nakatira sa Davis Compound, Purok 4, Brgy. Ala­bang ng naturang lungsod, makaraang magtamo ng maraming tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang baha­gi ng katawan.

Pinaghahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si Arnel Cagaanan, 36, binata, residente ng Purok 4 ng naturang barangay.

Sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente alas-nuwebe ng umaga sa Davis Compound, Purok 4, Brgy. Alabang ng naturang lungsod.

Habang nakatayo ang biktima ay dumating ang suspek at walang salitang pinagbabaril ang biktima bago agad na tumakas.

Nabatid sa pulisya na nasa ‘drug watchlist’ nila ang suspek dahil sa pagtutulak nito ng droga at nag­lunsad sila ng operasyon laban dito.