“Huwag niyo akong tularan tulak ako ng droga, salot ako sa Muntinlupa, susunod ka na”.
Ito ang nakasulat sa karatulang iniwan sa bangkay ng 50-anyos na si Ronnie Salvieja na kabilang sa walong drug suspects na pinatay sa magkakahiwalay na insidente sa Metro Manila kamakalawa hanggang kahapon ng hapon.
Dead on the spot si Salvieja na nakaupo sa ilalim ng isang puno malapit sa kanyang tirahan sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City nang pagbabarilin ng isang lalaking naka-bonnet pasado alas-nuwebe ng gabi kamakalawa.
Sa Pasay City, isang nakilala pa lang sa alyas na ‘Tikoy’ na sinasabing tulak din ng droga ang napatay nang manlaban umano sa mga pulis na nagsagawa ng Oplan Tokhang sa E. Rodriguez Extension, Brgy. 144 sa Malibay.
Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kalibre .38 at dalawang sachet ng shabu.
Sa Caloocan City, dalawa pang drug suspects ang itinumba rin sa magkasunod na insidente kung saan mga naka-itim umano na damit at pantalon at naka-bonnet din ang mga suspek na pawang riding- in-tandem.
Dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa nang patayin si Larry Pizarro, 49-anyos, ng Givenchy St., Congressional Subdivision sa Barangay 175, Camarin, habang nakatambay at tila may hinihintay umano sa tapat ng isang tindahan.
Apat na lalaking riding-in-tandem ang tumumba kay Pizarro.
Nalaman naman mula kay Executive Officer Benny Ortega ng Barangay 175 na nasa watchlist ng drug personalities si Pizarro sa nasabing lugar. Sumuko na umano ito ilang araw na ang nakakalipas sa kanilang barangay ngunit bumalik para makapirma ng manifesto ng kanyang pagsuko.
Bandang alas-2:30 ng madaling-araw naman nang pasukin at itumba rin ng apat na killer ang drug suspect na si Dondon Padilla sa loob ng bahay nito sa Daang Bakal St., Brgy. 163, Sta. Quiteria.
Narekober sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives ang anim na empty shells mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril at tatlong sachet ng shabu sa bahay ni Padilla.
Sa Maynila, patay din ang suspek na si Rommel Navarro, taga-Almario St., Tondo, matapos umanong manlaban sa buy-bust operation na isinagawa sa Lecheros St., Tondo pasado alas-nuwebe ng gabi.
Nalaman kay Chairman Reynaldo Pascua ng Barangay 61, Zone 5 sa Tondo na hinikayat na nilang sumuko sa pulisya si Pizarro matapos ang isinagawang Oplan Tokhang pero tumanggi ito.
Nabatid din na may kaso sa Manila Regional Trial Court Branch 2 si Pizarro kaugnay ng pagkaka-aresto sa kanya noong Oktubre 21, 2015 na may kinalaman sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa Makati City, dalawang hinihinalang drug pusher din ang nasawi.
Isang Warly Tante, 29-anyos, ang nakitang nakabulagta na may mga tama ng bala sa katawan sa Bernardino St., Brgy. Guadalupe Viejo pasado alas-tres ng madaling-araw.
Ilang nakasaksi ang nagsabing apat na lalaking riding-in-tandem at mga naka-maskara ang bumaril sa biktima.
Sinabi naman ng mga lokal na opisyal na anim na taon nang kilalang drug pusher si Tante at sangkot din sa panghoholdap sa EDSA-Guadalupe area.
Dead on the spot naman si Raphy Macaraeg, 30, nang pagbabarilin sa harapan ng isang karinderya sa panulukan ng Trabajo at J.P. Rizal Sts., Brgy. Olympia, Makati pasado alas-dos ng madaling- araw.
Isa rin umanong drug pusher ang biktima na inamin naman umano ng mga kaanak nito.
Samantala, dakong alas-2:25 ng hapon nang mapatay ang suspek na si Marvin Samonte, miyembro ng Commando Gang at taga-Delpan, Binondo, Maynila matapos na lumaban umano sa anti-illegal drug operation ng Manila Police District.