Marami pang opisyal na tinawag na ‘government scalawags’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakatakdang pangalanan nito sa mga susunod na araw sa hangarin na rin na tuluyan nang malinis ang pamahalaan.
Sa panunumpa ng iba pang mga appointees sa pamahalaan na isinagawa sa Rizal Hall ng Malacañang, sinabi ni Duterte na marami pang hukom, pulis, pulitiko at mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa illegal drugs at korapsyon ang kanyang tutukuyin.
Partikular pang tinukoy ng Pangulo ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mga ahensyang talamak ang korapsyon na dapat linisin.
“To think I placed retired General Edgar Galvante [LTO] and Martin Delgra [LTFRB], itong mga taong ito with proven competence and integrity but hindi talaga nila ma-control from the central government down the line doon sa mga regional. Ganoon pa rin,” paliwanag ng Pangulo.
Kaya makatwiran lamang aniya na pangalanan ang mga scalawags na ito.
“I would be very, maybe harsh, double the word, in the coming days because it seems my appeal that this would be a clean government is not registering at all in the gray matter in between the ears of some people in government,” banta pa ng Pangulo.