‘The Bus Driver’, ‘The Conductor’ umakay sa Chiefs

Hinawakan ni Hamadou Laminou ng EAC Generals ang braso ni Dary­l Singontiko ng Perpetual Help Altas para pigilan ang huli sa pagkuha sa bola sa aksiyon kahapon sa NCAA Season 92 men’s basketball sa The Arena.­ ­(Patrick Adalin)

Sinandalan ng Arellano University Chiefs ang kanilang “The Bus Driver” Jio Jalalon at “The Conductor” Kent Salado upang ipasada ang 89-84 panalo laban sa San Sebastian College Stags kahapon sa 92nd NCAA senior men’s basketball tournament sa The Arena San Juan City.

Nag-boundary si Jalalon ng season-high 33 points pero si Salado ang nagdeliver ng importanteng tres para sagasaan ng Chiefs ang 8-2 karta at manatili sa second spot ng team standings.

Binasag ni Salado ang 77-all matapos isalpak ang trey may 2:39 minuto na lang sa orasan.

Nagkaroon ng injury si Jalalon sa dulo ng third canto matapos maumpog ang ulo nito sa sahig, bumalik ito sa laro sa kalagitnaan ng fourth period para tulungan si Salado.

Tumikada sina Lervin Flores at Salado ng 12 at 11 pts, ayon sa pagkakasunod para sa Arellano.

Lumakas naman ang pagkapit San Beda College Red Lions sa lide­rato matapos lapain ang College of Saint Benilde Blazers, 82-64, sa unang laro.

Unang laban ng Red Lions sa second round, nakabawi sila matapos matalo sa Jose Rizal University.

Bumira si Donald Tankoua ng 17 points at 11 rebounds para ilist­a ang 9-1 karta ng San Beda.

“We made a lot of mistakes because of the break. But you can’t take away the effort of Benilde, they played well in the first half,” sabi ni San Beda coach Jamike Jarin.

Wala pa ring panalo ang Blazers sa 10 laro habang may 1-9 karta ang Stags.

Isang talo pa at matatapatan na ng Blazers ang pinakamasamang umpisa nila noong 2004.

Samantala, pinaluhod ng Perpetual Help Altas ang Emilio Aguinaldo College Generals, 71-59, sa pangatlong laro.

Nirehistro ni Gab Dagangon ang 18 markers para isalo ang Altas sa pangalawang puwesto­ kasama ang Chiefs.