Inalmahan ng isang senador ang matagalang pag-iral ng state of lawless violence (SOLV) sa buong bansa matapos ang insidente ng pambobomba sa Davao City na ikinamatay ng 14 at pagkasugat ng 67-katao.

Sinabi ni Senate Minority Leader Ralph Recto na hindi naman siya kontra sa pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng SOLV, pero ang inaayawan niya ay parang ginawa itong “unlimited load” ng cellphone na walang expiration.

Ipinaliwanag ni Recto na kung may “sunset provision” o expiry date ang Proclamation No. 55 na nilagdaan ni Pangulong Duterte bago lumipad patungong Laos nitong Lunes, magiging masipag ang Philippine Nationa­l Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ayusin ang peace and order sa bansa sa takdang panahon.

“In case, however, the objectives are not met. Malacañang can just extend the period of emergency. A renewable declaration is better that one that is open-ended,” giit ng senador.

Kahit na ikatuwiran ng Palasyo na nasa “dark period of history” ngayon­ ang Pilipinas, kailangan pa rin ng pamahalaan na ipaalam sa publiko kung kailan makikita ang ‘liwa­nag sa dulo ng isang tunnel’.

“This is another reason why proclamation must have a sunset provision,” diin ni Recto.

Noong Sabado ay sinabi ni Pangulong Duterte na ipaiiral niya­ ang state of lawless vio­lence sa buong bansa hanggang sa panahon na sa tingin niya ay hindi na ito kailangan.

Sa ilalim ng SOLV, pinapayagan ang AFP na tumulong sa PNP sa pagmantine ng peace and order sa bansa.