Magkahalong habag at galit daw ang nararamdaman ng mga miyembro ng pulisya sa tuwing magsasagawa ng police operation laban sa gumagamit at nagtutulak ng droga.

Sa patuloy na masigasig na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni acting District Director, Police Senior Superintendent Guil­lermo Lorenzo T. Eleazar, sinabi niyang kahit silang mga pulis na sanay o bihasa nang makakita ng mga lulong sa droga, hindi pa rin maiwasan na sila ay makaramdam ng habag at galit.

Habag dahil siya ay naaawa sa kinasapitang buhay ng mga nalulong sa droga na tila aniya mga zombie na ang mga itsura, at galit dahil ipinapakita lamang ng dalawang operasyon kung gaano na talaga kalala ang idinulot ng pamamayagpag ng mga sindikato ng mga iligal na droga.

Sa dalawa pang ng malaking pagsalakay ang isinagawa ng QCPD kabilang na rito ang Oplan Galugad na isinagawa ng mga operatiba ng Talipapa Police Station sa pangunguna ni Supt. Danilo Mendoza sa loob ng Salaam Compound sa Barangay Culiat ay nagresulta ito sa pagkakadakip ng 72 tao.

Nabatid na ginagawa palang drug den ang sina­lakay na lugar. Notoryus ang nasabing lugar sa iligal na droga, at hindi ito madaling mapasok dahil naging pugad na ito ng mga adik na ang marami pa nga ay dayo at galing pa sa ibang lugar.

Kahit pa itinuturing na “impenetrable” o “untoucha­ble” mula sa mga awtoridad ang nasabing lugar, mapangahas pa rin itong sinalakay ng QCPD.

Subalit, ang masaklap para kay Eleazar, ay lima sa mga naaresto ay mga menor de edad na mula 13 hanggang 17 taong gulang.

Ang isa pang pagsalakay ay isinagawa ng QCPD katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Pasong Tamo, partikular na sa tatlong bahay na nasa McArthur Avenue na ginagawa ring drug den.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 34 katao pero ang masaklap, gaya ng tinuran ni Eleazar, tatlong menor de edad ang kasama sa mga naaresto.

Dahil sa dami ng mga naaresto sa dalawang pagsalakay, aminado si Eleazar na siya ay naaantig na makitang nasasayang ang buhay ng mga gumagamit ng iligal na droga.

Sa positibong aspeto ng kanilang ginagawang ope­rasyon, mismong ang mga opisyal ng barangay at resi­dente umano sa lugar ang nagbigay ng impormasyon kaugnay ng nagaganap na illegal drug activities sa Mujahaydin St. sa Salaam Compound.

Kasama sa positibong idinudulot ng kampanya laban sa iligal na droga ay ang pagbuhay sa diwa ng ci­vic duty ng mga mamamayan. Nais na pasalamatan ni Eleazar ang mga opisyal ng barangay sa Culiat, Quezon City, at ang mga community leader doon na aktibong nakikipagtulungan sa mga awtoridad.

Sana ay tularan din ito sa iba pang mga barangay, lungsod at mga probinsya sa buong bansa.