‘Wag sayangin ang momentum

Kung lehitimong anti-illegal drugs operation ang lahat ng naitatala ng Philippine National Police (PNP) — ito’y napakagandang kampanya lalo pa’t hindi naman maipagkakaila ang talamak na bentahan ng droga sa kahit saang sulok ng bansa, kahit pa sa mga lugar na hindi mo iisiping meron taong nakatira.

Napakaganda ng kampanya ni PNP chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa; nagkaroon ng takot ang mga adik kaya napilitang sumuko sa pulisya; natutong magpa-rehab at marami rito’y nagsimulang magbagong-buhay na nangangailangan ng tulong, hindi lamang sa kanilang pamilya bagkus sa pamahalaan.

Mabibilang lamang sa daliri ang mga sumukong adik na nakakaangat sa buhay; pawang biktima ng ­illegal drugs ang mahirap kaya’t masakit sa matang panoorin ang headlines tuwing newscast, kundi itinumba ng vigilantes, ito’y nanlaban sa kapulisan.

Mapa-radyo, telebisyon at print media, maging sa social media, iisa ang laman ng balita, maliban sa sex scandal na ipinupukol ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senadora Leila de Lima — kaliwa’t kanang tumbahan ng mga isinasangkot sa droga, as in iisa ang kuwento na maaaring pagsawaan ng publiko kapag tumagal.

Kung ganito kalala ang problema sa illegal drugs at kung tama ang kuwenta ni Dela Rosa, nakakalungkot isipin ang humigit-kumulang na tatlong milyong adik sa Pilipinas dahil sa halip maghanapbuhay, aba’y pagsinghot at pagtutulak ang pinagkakaabalahan.

Hindi rason ang kahirapan para magtulak ng droga­ at hindi rin palusot ang kawalan ng trabaho o hanapbuhay dahil maaaring iwasan ang ganitong bisyo­ lalo pa’t sa simula nalaman nitong mali ang kanyang ­ginagawa, nakapag-aral man o hindi nakatuntong sa Grade 1.

Hindi maitatangging merong paglabag sa karapatan ng mga naitumbang pusher ang ilang kapulisan subalit dapat ding suriin kung lehitimong operasyon ang naganap dahil mas madalas “pinapatahimik” ng mga police scalawags at hindi rin naman makatwirang ibintang lahat kay Dela Rosa.

Sa nakaraang Senate hearing, ipinakita ni Dela Rosa­ na walang puwang sa pambansang kapulisan ang mga tiwali o scalawags, katulad ang pagsibak sa ilang tauhan ng Antipolo police na isinasangkot sa ­illegal drugs — ito’y pambawi sa mga alegasyong ­extra-judicial killings ang estilo ng pamahalaan.

Ang pagsawsaw ng vigilante group ang malaking­ balakid sa kampanya ni Dela Rosa para tapusin sa loob ng anim na buwan ang anti-illegal drug campaign ng pamahalaan dahil awtomatikong maisasama sa extra-judicial killings na ngayo’y binabantayan ng Commission on Human Rights (CHR).

Habang maaga, bigyang-pansin ni Dela Rosa ang mga “extra-curricular activities” ng ilang police scala­wags dahil kapag lumala at uminit ang usapin sa mga paglabag sa human rights, mawiwindang ang magandang hangarin nitong wakasan ang problema sa ­illegal drugs. Sa basketball, nakakapanghinayang ang ­momentum kung “ma-3 point shots” sa huling segundo gayong tambak ang kalaban.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)