‘WAG TAYONG PAHULI NANG BUHAY!

Ito ang narinig na sinabi ng dalawang drug pusher bago bumulagta nang manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 10 sa isi­nagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw sa Pandacan, Maynila.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rico  Santos, alyas Rec-rec, taga-1901-K Interior 61, Pandacan, Maynila at Leian Inano, alyas Alex, residente ng Block 850, Zone 91, District VI, Dapo Street, Pandacan, Maynila; kapwa mga nasa hustong gulang at kila­lang mga drug pushers sa Brgy. 843 Zone 92 sa Pandacan,Maynila.

Nakatakas naman ang target ng operasyon na isang alyas Bong-bong.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), naganap ang insidente dakong 12:20 ng madaling­araw sa 1901-K Interior 61 Bo. Banana Street, sa Pandacan.

Bago nagpalitan ng putok ay nagsagawa umano ng buy-bust operation ang MPD-PS 10 sa pamumuno ni Police Supt. Emerey Abating sa natu­rang lugar upang dakipin sa isang buy-bust operation si alyas ‘Bong-bong.’

Habang nakikipag-transaksiyon umano kay ‘Bong-bong’ ay nakilala umano ng mga napatay na suspek ang pulis na nagpanggap na poseur buyer at kaagad na sumigaw ng “mga pulis yan!”

Nang marinig umano ni ‘Bong-bong’ ang babala ng kasama ay kaagad na itong kumaripas ng takbo upang tumakas habang bumunot naman ng baril sina ‘Rec-rec’ at ‘Alex’ at isa sa kanila ang sumigaw nang “hindi kami pahuhuli nang buhay,” bago pinaputukan ang mga awtoridad.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapatay sa dalawa habang nakatakas naman si ‘Bong-bong.’

Nakuha sa dalawang­ nasawi ang dalawang kalibre .38 baril, pitong plastic sachet ng shabu, siyam na live ammunition, dalawang basyo ng bala at mga drug paraphernalia.