“Maskarado” strikes again

Muli na namang umatake ang notoryus na riding-in-tandem na maskarado makaraang pagbabarilin ang isang barker sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.

Sanhi ng limang tama ng hindi mabatid na ka­libre ng baril sa katawan ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Ro­nald Nisola, 44, may asawa na nakatira sa Brgy. Saint Joseph, Taytay, Rizal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-siete ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa kahabaan ng N. Domingo St., corner Lake St., Brgy. Balong-bato, San Juan City.

Ayon sa report, nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada na tila may hinihintay na kaibigan nang dumating ang suspek na lulan ng isang motorsiklo at nakasuot ng maskara, at paglapit nito sa biktima ay sabay itong pinaputukan ng limang beses sa katawan.

Base sa rekord ng pulisya, sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima pero nagpatuloy pa umano ito sa kanyang iligal na gawain.