Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte ng posibilidad ng pagsiklab ng tinawag niyang “little pocket troubles” sa mga bansa sa Asya.
“We expect a little pocket troubles, maybe here also in our region. But I am sure that it will not really go out of control and it would be limited to nations with their interest in Asia,” bahagi ng pahayag ni Pangulong Duterte sa harapan ng mga miyembro ng Philippine Air Force (PAF) kamakalawa ng gabi.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo pero tiniyak na hindi magkakaroon ng Third World War o Ikatlong Digmaang Pandaigdig gamit ang puwersa ng mga armas na tuluyang lulusaw sa mundo dahil walang maglalakas-loob na kakasa o magsisimula nito.
“I do not see any war, ‘yun talagang second or first world war, involving the might of arms. Because kung mangyari ‘yan at this time, there will be no more Third World War because it’s going to be the endgame for this planet,” ayon pa sa Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na maliliit na girian lamang ang posibleng sumiklab na maaaring limitado lamang sa mga bansang may interes sa rehiyon.
Binigyang-diin pa ni Pangulong Duterte na bagama’t hindi nito pinuputol ang relasyon sa mga kaalyadong bansa, ayaw naman nitong makaladkad ang Pilipinas at madamay sa mga pang-away na kilos.