May isang laro sa internet sa cellphone maliban sa kinahuhumalingang Pokemon Go ang dapat na bigyang-pansin lalo na ng ating mga kababayan.
Ito ay ang ‘Tsip Bato’ na isa ring uri ng game sa internet at cellphone na naglalarawan sa anti-drug campaign na inilunsad ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ang larong ‘Tsip Bato’ ay patungkol sa seryosong kampanya kontra droga ng PNP sa ilalim ng liderato ni Dela Rosa kaya mas mainam itong pag-ukulan ng pansin lalo na ng mga miyembro ng PNP kasama ang kanilang pamilya.
Maganda ang larong ito na inilunsad ng PNP na bukod sa nakaka-entertain na ay educational pa dahil malaking tulong ito sa maigting na kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Pero katulad ng Pokemon Go hindi pa rin ito dapat laruin sa oras ng trabaho ng ating mga magigiting na pulis dahil makakaagaw ito ng kanilang atensyon sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Mas mainam itong laruin kapag off-duty dahil, ayon nga sa PNP, maaari itong laruin kasama ang buong pamilya. Hindi ba mas magandang bonding ang larong ito ng Tsip Bato kesa ang maglalabas ng bahay dahil malaking oras ninyo ang uubusin ng matinding trapiko ngayon.
***
Speaking of PNP, ngayon daw ay nananatili sa presinto ng Albuera, Leyte kunsaan nag-oopisina itong si Mayor Rolando Espinosa na nakakaladkad sa operasyon ng iligal na droga kasama ang anak na patuloy na pinaghahanap ng batas na si Kerwin.
Ang mayor ay nasa kustodiya ngayon ni Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Albuera Police matapos itong maghain ng affidavit na naglalaman ng pangalan ng mga protektor diumano ng iligal na droga sa Eastern Visayas.
Ibang klase talaga ang gobyernong Duterte, maraming pagbabago ang nangyari.
Katulad na lamang ng kasong ito ni Mayor Espinosa na nasa ilalim na ng kapangyarihan ng hepe ng kapulisan ng Albuera.
Wala namang masama sa sistemang ito lalo na’t kung makakatulong ito sa mahigpit na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga ay todo ang ating suporta.