Kalahating milyong piso ang kabuuang pabuya ng local government unit (LGU) ng Sagay City, Negros Occidental at kanilang gobernador para sa makakapagturo sa mga suspek sa naganap na masaker sa Hacienda Negros na ikinasawi ng siyam na magsasaka.
Nabatid na nag-alok ang LGU ng Sagay ng P250,000 at dagdag na P250,000 mula kay Governor Alfredo Marañon Jr. bilang reward sa makakapagbigay ng impormasyon sa pumaslang kina Iglicerio Villegas, 36-anyos; Angelipe Arcenal; at Morena Mendoza ng Barangay Bulanon.
Kabilang din sa nasawi sina alyas ‘Pater’, alyas ‘Bingbing Bantigue’, at alyas ‘Dodong Laurencio’ ng Barangay Plaridel, Sagay City gayundin si alyas ‘Necnec Dumaguit’.
Bukod pa rito ang dalawang 17-anyos na sina Jomarie Ughayon Jr., ng Purok Cesco, Barangay Rafaela Barrera; at Marchtel Sumicad ng Purok Mahogany, Barangay Bulanon, Sagay City.
Alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Hacienda Nene, Purok Fire Tree sa Barangay Bulanon, kung saan sinasabing mga miyembro ng Negros Federation of Sugar Workers (NFSW) ang mga biktima.
Nabatid naman kay S/Supt. Rodolfo Castil na lima hanggang pito lang ang mga suspek, taliwas sa mga naunang ulat na nasa 40 armadong kalalakihan ang umatake.
Isang Carmen Tolentino ang umano’y nagmamay-ari ng lupa na nirerentahan lamang ng isang nagngangalang Sumbingco.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group, kasama ang Criminal Investigation and Detection Group para mag-imbestiga sa kaso.