Nasa isa’t kalahating milyong piso na halaga ng mga ecstasy ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Inter Agency Drug Interduction Group sa may Central Mail Exchange Office sa Pasay City kahapon ng umaga.
Ayon kay PDEA-NCR Director Ismael Fajardo, noong Abril 5 ng taong kasalukuyan, dumating ang package sa Philpost na galing sa Netherlands.
Nang dumaan ito sa x-ray screening, dito na natuklasan na naglalaman ito ng organic substance kaya agad itong ininspeksyon ng PDEA at K-9 dog.
Nadiskubre na naglalaman ito ng ipinagbabawal na gamot.
Agad namang nakipag-ugnayan ang pamunuan ng cargo company sa consignee ng package.
Kahapon ng alas-11:00 ng umaga nang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng PDEA at NAIA si Monica Santos, 20-anyos, ng Barangay Obrero, Quezon City sa may Domestic Road ng nasabing lungsod makaraang i-claim nito ang nasabing bagahe.
Natuklasan na ipinadala ang nasabing package ng isang nangngangalang Samson Santos mula sa Netherlands.
Inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa nadakip na suspek.