Umalma ang mga may-ari ng pribadong sasakyan sa nakaumang na bagong gastusin para sa smoke emission test.
Kaugnay ito ng Department Order No. 2018–2158 ng Department of Transportation (DoTr) na malapit nang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) kung saan inoobliga lahat ng pribadong sasakyan na sumailalim sa Motor Vehicle Inspection Service (MVIS) sa halagang P1,000 bawat isa.
Inilabas ang kautusan sa smoke emission dahil hindi na akma ang lumang sistema sa pagproseso nito at aalisin na nila ang mga lumang gamit o aparato na ginagamit sa pagsuri ng mga sasakyan.
Nakasaad sa DO na inilabas noong Disyembre 2018 na lahat ng 4-wheel vehicle ay dadaan sa road check-up upang masubaybayan kung may kakulangan ito sa maintenance.
“Bakit mga private vehicle ang tinututukan nila samantalang mas dapat nilang tutukan ang maraming PUVs na hindi sumusunod at kulang sa maintenance,” himutok ng isang Rowena Ursua na pumapasok gamit ang kanyang sariling sasakyan.
Una nito P400 ang sinisingil ng Land Transportation Office (LTO) na binabayaran para lamang sa smoke emission test ng 4-wheel vehicles, pribado man ito o pampublikong mga sasakyan.
Ngunit sadya umanong nakakagulat kung ipapatupad ang P1,800 na panibagong bayarin ng mga pribadong sasakyan para sa naturang inspeksiyon.
Sa ngayon may anim na milyong mga pribadong sasakyan ang nasa talaan ng LTO at 11 milyong ang motorsiklo.
Ngunit niliwanag na ipapatupad ang bagong bayarin na P1,800 kung nagawa nang online ang lahat ng sangay ng LTO.
Ipinaliwanag ng ahensiya na kasama sa P1,800 ang smoke emission, tail light, brake, engine, oil at iba pa.