₱100B kuwenta ni Salceda sa Taal eruption rehab

Hindi pa man bumabalik sa normal ang ­Bulkang Taal ay kinuwenta na ng isang ­mambabatas ang kakailanganing pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta nito.

“Kung ako tatanungin niyo, between P60 ­billion to P100 billion dapat ilaan para ­ma-leapfrog [ang rehabilitasyon],” pahayag ni Albay Rep. Joey ­Salceda sa isang news forum sa Quezon City­ ­nitong Huwebes.

Aminado si Salceda, chairman ng House ­committee on ways and means, na kulang ang pondong inilaan sa 2020 national budget para sa mga kalamidad.

Mula sa orihinal na P16.5 bilyong alokasyon, nagkasundo aniya ang dalawang kapulungan ng Kongreso na maglaan lamang ng P7.5 bilyong para sa National Disaster Reduction and Management Fund (NDRMF) sa ilalim ng inaprubahang 2020 General Appropriations Act.

Dahil rito, iginiit ng mambabatas na ­kailangang magpasa ng supplemental budget lalo na kung para sa pangkabuuan ang gagawing ­rehabilitasyon sa mga bayan na apektado ng pagsabog ng ­Bulkang Taal.

“We will raise some money for the Batangas and affected districts ng aming colleagues, mas importante diyan ay ma-mobilize natin ang ­buong Kongreso. So kung ano ang pwedeng gawin ay magkaroon ng supplemental budget,” ani Salceda. (JC Cahinhinan/Eralyn Prado)