₱10M tax refund ng Philip Morris binasura

Tinabla ng Court of Tax Appeals (CTA) ang inihaing petisyon ng Philip Morris Philippines Manufacturing Inc. para sa tax refund na nagkakahalaga ng P10.8 milyon.

Sa 14 pahinang desisyon na may petsang Marso 9 subalit nitong Biyernes lang inilabas, binasura ng CTA en banc ang petisyon ng Philip Morris dahil sa kawalan ng merito at pinagtibay ang nauna na nilang desisyon na inilabas ng First Division.

Sa hinihingi nilang tax refund, iginiit ng Phi­lip Morris na ang P10.8 milyong halaga ay kumakatawan sa kanilang excise tax na in-advance o dineposito para sa kanilang mga cigarette product na inangkat mula Abril hanggang Disyembre 2008.

Base sa desisyon ng CTA en banc, nabigo ang tobacco manufacturer na ihain sa takdang panahon ang administrative at judicial claim para sa refund sa loob ng dalawang taon na prescriptive period na itinakda sa ilalim ng National Internal Revenue Code. (PNA)