₱11.7B DOTr subway consultant may tongpats?

Kinuwestiyon ng isang kongresista ang pagkuha ng tanggapan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ng mga foreign consultant para sa Metro Manila Subway project na aabot sa P11.7 bilyon ang halagang babayaran ng gobyerno.

Ayon kay Quezon Rep. Danilo Suarez, nag-bidding ang pamahalaan para sa dalawang consultancy contract na nagkakahalaga ng P11.7 bilyon bawat isa.

Batay aniya sa ulat, ini-award ang kontrata sa Japanese consortium na OC Global na binubuo ng anim na Japanese company.
Nabatid na ang OC Global ay isang engineering consulting firm na nakabase sa Tokyo, Japan.

Sabi ni Suarez, batid niya ang technical expertise at karanasan ng mga foreign consultant at maaaring may mga kaalaman sila na kinakailangan pa natin malaman.

Pero mas mainam sana aniya kung kumuha muna ang DOTr ng local consultant bago kinontrata ang mga foreign consultant na napakamahal ng babayaran.

Kinuwestiyon din ng mam­babatas kung sino aniya ang magpapatunay sa kuwalipikasyon ng mga foreign consultant na kinuha ng DOTr.

Isa pang tinatanong ni Suarez ay kung may karanasan ba aniya ang mga foreign consultant na ito na magtrabaho sa ibang bansa na katulad ng Pilipinas.

“Are their services worth the money? Reports from the Commission on Audit were said to point to the lack of transpa­rency,” diin ni Suarez.

Inilutang din nito ang posibilidad na nilakihan ang alokasyon para sa mga foreign consultant kung kaya’t kaila­ngan aniyang malaman ito.

“The procurement process is primarily handled by the DBM Procurement Service. It is possible that the budget of many of our government programs and projects are similarly bloated due to allocations such as those for pricey consultancy contracts,” ayon pa kay Suarez.