Umabot na umano sa Maguindanao ang shabu na kasama sa 500 kilo na itinago sa mga magne­tic lifter sa Manila International Container Port (MICP) noong Agosto, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa press conference, sinabi ni PDEA spokesman Derrick Carreon na ang shabu na nasamsam sa Ayala, Alabang; Sta. Cruz sa Maynila, gayundin sa Maguindanao ay may correlation value na .99.

“Du’n natin nakita na may semblance, mea­ning they came from the same source and same manufacturer,” sabi ni Carreon.

Naniniwala ang PDEA na ang shabu na nasabat sa MICP na may estimated value na P2.4 bilyon ay bahagi ng mas malaking drug shipment na ipinasok sa bansa na pinatutunayan nang pagkakadiskubre sa apat na empty magnetic lifter sa Cavite noong Agosto.

Magugunita na sa ginawang imbestigasyon ng PDEA, umupo ang mga police dog ng ahensiya sa magnetic lifters na indikasyon na ang mga ito ay naglalaman ng shabu na aabot sa P11 bilyon.

Wala na ang shabu nang salakayin ng PDEA ang lugar.