₱12.2B Kaliwa Dam kinuwestyon ng COA

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang ilang iregularidad sa paggawad ng kontrata sa isang Chinese firm para sa konstruksiyon ng P12.2 billion Kaliwa Dam project sa Infanta, Quezon.

Base sa walong pahinang audit observation memorandum na may petsang Hunyo 10, 2019, sinabi ng COA na nabigo ang technical working group (TWG) ng Metropolitan Waterworks and ­Sewerage System (MWSS) na makapagsagawa ng nararapat na bidding at vetting procedure bago nito iginawad ang ­proyekto sa China Energy Engineering Corp. (CEEC) noong Disyembre 2018.

“We recommend that (MWSS) Management demand explanation from the members of the TWG for acceptance of the two bidders/contractors in spite of non-compliance with vetting/pre- qualification requirements,” nakasaad sa memo nina officer-in-charge audit team leader Rency Meryl Marquez at officer-in-charge supervising auditor Ma. Nancy Uy at naka-address kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco.

Pinapanagot din ang mga opisyal ng TWG sa kabiguang magsagawa ng pagsusuri sa proyekto at humiling ng kapalit ng dalawang hindi kuwalipikadong bidder, na pumigil sa MWSS na makapili ng pinaka qua­l­ified na contractor.
Ang mas masama, ayon pa sa COA ay ang sinasabing competitive bidding na isinagawa ng TWG ay tila moro-moro lamang.