₱160M shabu in can nasabat sa clark airport

Umabot sa kabuuang P160.5 milyong halaga ng shabu, ecstasy at ‘kush’ na nakalagay sa mga lata ng tomato sauce na nakasilid sa isang luggage ang nakumpiska ng mga awtoridad sa apat na magkakahiwalay na shipment sa Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga.

 

Sa isang pulong bali­t­aan kahapon, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron­ Aquino ang naturang shipment ay pawang mula sa Las Vegas City, Nevada, USA at iisang international drug service courier ang sinasabing responsable sa pagpapadala ng mga ito sa bansa.

 

Aniya, napuna ng examiner ng BOC na ilang lata ng tomato sauce ang tumatagas at nang i-check ang mga ito ay nadiskubre ang iligal na droga, habang sa itim na luggage naman nasamsam ang mga ‘kush’.

 

Ayon pa kay Aquino ang nasabing mga nasabat na de-latang droga ay nakatakdang ipakalat sa mga consignee mula sa Novaliches, Quezon City; San Jose del Monte,­ Bulacan; at Navotas.

 

Sa nasabing shipment ay nahuli ang mag-inang sina Edna Valenzuela, 44 at Judy Ann, 22, na noo’y  pumick-up ng nasabing package sa Clark, Pampanga.

 

Dahil nakatimbre na sa pulisya ay nasundan sila hanggang sa bahay ng mga ito sa Navotas at doon na dinakip kung saan nasamsam sa mga ito ang nasa 4-kilong high grade na shabu na may street ­value na P27 milyon.

 

Itinanggi naman ng mag-ina na sangkot sila sa shabu.

 

“It’s obvious that they were lying. Hindi raw nila alam kung ano ang nasa loob. Hindi raw nila alam kung sino ang magpapadala. Hindi raw nila alam kung saan ga­ling. Sinong taong mati­no ang ire-receive ang isang package na ‘di niya alam lahat? pagdiriin naman ni Aquino kasabay sabing nadiskubre aniya na sa facebook ay nakikipagtransakyon din ang mag-ina.

 

Nakuha ng mga ope­ratiba ng PDEA Region 3 at ng BOC ang dalawang­ kahon na may 1-kilo ng shabu na nagkakaha­lagang P6.8 milyon at 200 piraso ng ecstacy na may halagang P340,000 noong Disyembre 28.

 

Sa serye naman ng operasyon noong Enero 10, 13 at 14 ay naharang ng awtoridad ang 18 kilo ng shabu na may market value na P122.4 milyon at 3-kilo ng kush na nagkakahalga ng P3.8 milyon.

 

Pinayuhan naman ng opisyal ng PDEA ang kanilang counterpart sa Estados Unidos na paigtingin pa ang kanilang pamamaraan para masabat ang mga iligal na droga bago pa man ito maibiyahe sa Pili­pinas.