₱17M fire prevention budget ng Maynila ‘di ginamit

Sa kabila ng mara­ming insidente ng sunog na nagaganap sa Maynila ay bigo naman ang pamahalaang lokal ng lungsod na gamitin lahat ang fire prevention budget nito sa pagbili ng mga kagamitan at sasakyan para sa 14 na sub fire station ng siyudad.

Pinuna ito ng Commission on Audit (COA) sa annual audit report ng ahensya kung saan lumabas na mula sa kabuuang fire prevention budget ng lungsod ng Maynila na nagkakahalaga ng P55.85 mil­yon ay 61 porsiyento lamang ng pondo ang nagamit sa pagbili ng mga fire truck, service at rescue vehicle, communication equipment, rescue at firefighting equipment.

“P17,149,230.69 million remained idle and was not appropriated for the procurement of additional fire trucks and equipment…which is still very much needed by the fire stations in order to aide or augment its ageing fire fighting vehicles,” pahayag ng District Fire Marshal batay sa COA report.

Nabatid na noong nakaraang taon lamang ay umabot ng 4,698 ang insidente ng sunog na naganap sa Maynila.

Sinabi ng COA na batay sa Section 13 ng Revised Fire Code of the Philippines, ang natu­rang pondo ay para sa eksklusibong gamit lamang para sa operation and maintenance ng mga local fire station.

Dahil dito, nirekomenda ng COA na makipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa District Fire Marshal para magamit ang natitirang P17.15 milyong pondo sa pagbili ng mga kinakailangang kaga­mitan ng mga local fire station para makatugon sa oras ng kalami­dad o sakuna. (Yves Briones)