Narekober ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP)-Bocaue ang P18.4 milyong piso na halaga ng cigarette manufacturing machine at pekeng sigarilyo sa bakanteng lote sa MacArthur Highway, Barangay Lolomboy, Bocaue, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Base sa report ni P/Senior Supt. Chito G. Bersaluna, Bulacan police director, narekober ang apat na cigarette manufacturing machine na nagkakahalaga ng P16 milyong piso, 20 master case ng Mighty, 5 master case ng Marlboro, 16 master case ng Fort, 30 master cases ng Fortune at 13 kahon ng pekeng sigarilyo na umaabot sa P2.4 milyong piso ang halaga.
Nabatid na bandang ala-1:45 noong Miyerkoles ng hapon nang makipagkoordinasyon ang Enforcement Security Service (ESS) sa ilalim ng BOC sa Bocaue-PNP sa pamumuno ni P/Supt. Amado Mendoza at sinalakay ang lugar na pag-aari ng isang Jose Carreon sa nasabing barangay.
Dito na tumambad ang dalawang truck sa bakanteng lote na may kargang mga makina sa paggawa ng sigarilyo at ang milyong piso na halaga ng pekeng sigarilyo.
Inilagay na ang mga ito sa pangangalaga ng ESS headquarters para sa imbestigasyon at beripikasyon.