Magbibigay ng tulong-pinansyal ang Victory Liner Inc., sa pamilya ng tatlong nasawi at limang malubhang nasugatan sa banggaan ng isa sa kanilang bus at isang tricycle na naganap noong Sabado sa Zambales.
Ayon kay Pocholo Galian, general manager ng bus company, handa silang mag-abot ng tulong sa pamilya ng mga biktima ng aksidente, kahit pa diin nito, ay may pagkakataon na hindi naman dapat na sisihin ang kanilang mga driver.
Magbibigay ng tulong ang kompanya sa pagpapagamot ng mga nasugatan at burial expense ng mga nasawi, dagdag pa ang P180,000 na cash.
Ito umano ang napag-usapan ng bus company at pamilya ng mga biktima kapalit ang pag-urong ng kaso laban sa kanilang driver.
Sa imbestigasyon, minamaneho ni Tilyong Arbizo ang kanyang tricycle sa kahabaan ng national highway sakay ang 6 na pasahero, nang pagsapit sa Brgy. Lipay ay may iniwasan umano itong motorsiklo na nag-swerve, nang kumabig ito pakanan ay sakto namang sumalpok sa bus ng Victory Liner.
Patay agad sa pinangyarihan si Arbizo at dalawang menor de edad na sakay nito.