₱1B pension loan inilabas ng SSS

Nasa P1 bilyon ang inilabas na pondo ng Social Security System (SSS) para sa pension loan kung saan halos 42,000 na ang nakatanggap nito simula ng ipatupad ang nasabing programa noong Setyem­bre 2018.

Ayon kay SSS president at chief executive officer Aurora C. Ignacio, layunin ng Pension Loan Program (PLP) na makapagbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga pensyonado para sa kanilang mga panandalian at biglaang panga­ngailangan.

Pinayuhan din nito ang mga pensyonado na maging maingat at umiwas sa pakikipag-ugnayan sa mga fixer para sa kanilang mga transaksyon sa SSS, lalo na sa PLP.

“Ikinagagalak namin na ang aming mga pensyonadong miyembro ay sa SSS na lumalapit nga­yon para sa kanilang mga agarang pangangailangang pinansyal imbis na lumapit sa mga loan sharks,” ani Ignacio.

Bunsod ito ng natanggap na ulat ng SSS noong nakaraang buwan mula sa Bacolod branch na may 15 SSS pensioner ang nabiktima ng mga walang awang fixer na ang modus operandi ay ipauna sa mga pensiyonado ang bahagi ng mga inaprubuhang SSS pension loan at matapos nito ay itinatakbo na nila ang mga cash card ng pensioner.

Nagsampa na ng kaso ang mga biktima laban sa mga suspek sa National Bureau of Investigation noong Abril 24.

Dagdag pa rito, sa bagong panuntunan para sa PLP application ay pinapayagan na ang paggamit ng ibang government-issued na identification card o document bukod sa SSS card o Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card bilang patunay ng pagkakakilanlan. ­(Dolly Cabreza)