₱1M patay na isda inanod sa Manila Bay

Tinatayang aabot sa 30 banyera ng patay na isda ang natagpuan sa pampang ng Manila Bay sa boundary ng Las Piñas at Parañaque City critical habitat and ­ecotourism area kahapon ng hapon.

Ayon kay Police Col. Jason Cipriano, hepe ng PNP-Maritime Unit ng National Capital Region, nasa isa’t kalahating tonelada ng salinyasi, kanduli, sapsap at iba pa ang nakitang patay na isda.

Sinabi ni Cipriano, aabot sa pitong daang libo hanggang P1 mil­yon ang halaga ng mga natagpuang patay na isda.

Aniya, ibabaon nila ang mga patay na isda sa lupa upang hindi mangamoy.
Tingin ni Cipriano, ang pagkamatay ng mga isda ay bunsod ng pagbabago sa klima.

Gayunman, patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng fishkill. ­(Armida Rico)