Good news. Bad news.
Mistulang dito lamang umiinog ang buhay nating motorista.
Good news dahil sunod-sunod na oil price rollbacks na maaaring mangyari pa sa susunod na linggo.
Ngunit, mga kamoto, mistulang hindi pa nararapat na tayo’y maglulundag sa tuwa. Ang dahilan? Aguy, simple lang mga kabayan at mga kamoto. Ang bad news ay heto: Liligwakin na ng gobyerno ang suspension sa oil excise tax na P2 simula sa Enero 2019.
Ang dahilan dito o paliwanag ni Finance Sec. Carlos Dominguez III ay ganito. Yaman ding lamang diumano na patuloy ang pagdausdos ng presyo ng langis, ay pagkakataon na rin daw para sa gobyerno na alisin na ang suspension sa P2 excise tax suspension.
Makakaiwas diumano ang gobyerno ng halos P43 billion losses in revenues sa nakalipas na 12 buwan kung tuluyan na ngang ipataw ang naturang excise tax.
Ang kababagsakan lang nito ay magmimistulang binawi din ng gobyerno ang ngiti sa mga labi ng mga motorista na dulot ng sunod-sunod na oil price rollback.
Ngunit ayon sa finance deparment, natataon na ngayon na ipataw ng gobyernong Du30 ang naturang excise tax sa oil sa gitna ng pagbaba ng presyo ng langis para nga naman hindi masyadong maramdaman.
Parte ng TRAIN Law ang naturang excise tax na ginawa lang installment. Ang tanong ay paano na kung muling tumaas ang presyo ng langis? To God be the Glory!