₱20 buwis sa single-use plastic bag pinasa

Isinulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapataw ng P20 na excise tax kada kilo ng single-use plastic bag.

Sa pagdinig ng House committee on ways and means nitong Martes, inaprubahan ng mga mambabatas ang House Bill No. 178 o panukalang batas na magpapataw ng P20 buwis kada kilo ng single-use plastic bag.

Kapag naging ganap na batas, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, committee chairman, na magbubunga ito ng karagdagang kita para sa gobyerno na aabot sa P4.8 bilyon sa unang taon pa lang ng implementasyon nito.

Aniya, ang mga single-use plastic carrier tulad ng sando plastic bag ang unang ninais na patawan ng buwis dahil kung isasama aniya ang iba pang uri ng plastic gaya ng mga sachet ay magdudulot agad ito ng pagtaas ng presyo sa pagkain at mga pangunahing pangangaila­ngan.

Gayunman, isusunod din aniya ng Kamara na patawan ng buwis ang mga primary plastic packaging na katulad ng sachet.

“It’s just the first step. The next step is a tax on primary plastic packaging especially sachet since it accounts for 2/3 of solid waste and garbage. However if poverty goes single digit, we will include it possibly in 3-4 years,” ani Salceda.

Sinang-ayunan din ng komite na ilagay sa solid waste management fund ang makokolektang buwis mula sa single-use plastic bag batay na rin sa itinakda ng Section 46 ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. (Lorraine Gamo)