Nagbigay ng P200,000 na reward si Malabon City Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta III kahapon, sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon na makakapagturo na nasa likod ng pagpatay kay Kagawad Rodrigo Tambo na itinumba kamakalawa sa nasabing lungsod.
Ganap na alas-8:32 ng umaga nang walang habas itong pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin habang nakikipag-usap siya sa tanod na si Lawrence Margalio na masuwerteng hindi nadamay.
Sa ngayon ay wala pang maisip ang mga kaanak ni Tambo sa motibo ng pagpatay ng biktima dahil mabait umano ito at walang kilalang kaaway sa kanilang lugar, ilang mga kaibigan naman ng biktima ang naniniwalang posibleng political motivated ang nangyaring pamamaslang.
Lumakas pa ang hinala dito, lalo na at limang taon na umano itong aktibong lider ng Arya Pogresibo, isang local organization na sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon ng lungsod.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya.