Nabayaran na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang may P200 milyong utang sa Government Service Insurance System (GSIS) na iniwan ng administrasyon ni dating Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

Inihayag ito ni Mayor Isko Moreno bilang tugon sa kanyang pangako sa mga empleyado na sosolusyunan niya ang problema ng mga manggagawa sa GSIS.

Nalaman kay Secretary to the Mayor Bernie Ang, sa liham ng GSIS na may petsang Marso 1, 2019 pinaalalahanan ang pamahalaang lungsod kaugnay sa pagkakautang na P204,215,076.45 sa ilalim ng administrasyon ni Estrada.

Ang nabanggit na halaga ay kumakatawan sa kontribusyon ng mga empleyado na hindi na-remit ng Manila City Hall mula nang manungkulan umano si Estrada noong 2013.

Base sa record, kinakaltasan umano ng pamahalaang lungsod ang suweldo ng mga empleyado para sa kanilang kontribusyon sa GSIS pero hindi naman ito nire-remit.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan para malaman kung ano ang nangyari sa pera dahil wala namang itinu-turnover na financial record ang administrasyon ni Estrada.

Ayon kay Ang, walang sumulpot sa kampo ni Estrada sa napagkasunduang petsa para sa turnover ng lahat ng importanteng record noong Hunyo 30, 2019. (Juliet de Loza-Cudia)