Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang Filipino-Chinese national na miyembro umano ng international big-time syndicate matapos na makumpiskahan ng aabot sa P258 milyon halaga ng shabu.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang mga naaresto na sina Alexander Jun Wah Ting, 40, at ang kasabwat nito na si Patrick Bankee, 44, sa operasyon noong Miyerkoles.
Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa isang buy-bust operation alas-tres Miyerkoles ng madaling-araw, sa Talayan Village, Quezon City, at nakuha rito ang mahigit sa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon, 15 piraso ng plastic sachet ng shabu, apat na cellphone, cash, at mga ATM card.
Matapos nito, sinalakay ng PDEA ang bahay ni Wah Ting sa Brgy. Paliparan, Dasmariñas, Cavite kung saan tumambad ang 36 kilo ng shabu na nagkakahalga ng P244,800,000.
Dumaan umano sa ilang buwang surveillance si Ting makaraang makatanggap ng impormasyon na ito ang nagsu-supply ng iligal na droga kay Vincent Lim Du na napatay sa isang operasyon sa Tanza, Cavite noong Pebrero 3.