₱3M shabu nasamsam sa Jollibee parking lot

Mahigit P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at naaresto rin ang isang 19-anyos na lalaking sangkot sa kalakaran ng iligal na droga makaraang kumagat ito sa buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa parking lot ng Jollibee sa Luneta kahapon nang hapon.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang nahuling suspek na si Junior B. Manibpel na nakatira sa No. 7 Area 9, Luzon Avenue, Quezon City.

Batay sa inisyal na ulat ng PDEA, nasakote ang suspek dakong ala-1:45 nang hapon nitong Miyerkoles sa parking lot ng Jollibee sa Luneta, partikular sa Kalaw Avenue, Ermita, Maynila.

Ayon kay Aquino, unang nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa malakihang pagdedeliber ng iligal na droga ng suspek kung kaya’t isinailalim ito sa masusing pagmamatyag ng mga operatiba ng PDEA.

Saka isinagawa ng PDEA ang buy-bust laban sa suspek nang maging positibo ang kanilang impormasyon.

Nakumpiska sa suspek ang isang plastic bag na naglalaman ng 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Tumanggi ang suspek na magsalita kung saan siya kumukuha ng iligal na droga.

Nakakulong ito ngayon sa detention cell ng PDEA at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002.