Aabot sa kalahating bilyong piso ang nasirang mga pananim sa lalawigan ng Cotabato habang higit 8,000 magsasaka ang apektado sa nararanasang pagtaas ng temperatura at kawalan ng ulan.
Ayon kay Engineer Arnulfo Villaruz, operations officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), P470 milyong halaga na ng pananim ang nasira dahil sa tagtuyot o dry spell sa nasabing lalawigan.
Dagdag pa ng opisyal, 8,500 magsasaka at 13 bayan na ang napuruhan, kabilang ang 3,000 hektarya ng mais at palayan, at posible pa aniya itong tumaas kapag natapos na ang kanilang assessment sa ilan pang bayan.
Limang bayan na sa Cotabato ang isinailalim sa state of calamity, habang nagbibigay na umano ng tulong ang lokal na pamahalaan para sa mga apektadong magsasaka.