Gumastos ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng P5.6 bilyon noong nakaraang taon para ipagawa ang tinatawag nitong New Ge­neration Currency na ini­rereklamo ng marami dahil nakalilito ang mga barya nito, ayon sa Commission on Audit (COA).

May sariling imprenta at pagawaan ng pera ang BSP ngunit gumstos ito ng P1.9 bilyon noong 2018 para ipagawa ang mga NGC banknote o perang papel mula sa Arjowiggins Security S.A.S at sa De La Rue International Ltd. In-award ang kontrata para dito noong Enero 2018.

Gumastos din ang BSP ng P3.7 bilyon noong Marso 2018 para magpagawa ng mga bagong barya sa Royal Canadian Mint na kasama pa rin sa NGC series na isinusumpa ng marami dahil ang mga ito ay nakalilito

Pinaliit ng NGC series ang P5 kaya mapagkakamalan itong lumang piso habang pinalaki naman nito ang 25 sentimo. Pare-pareho na rin ang kulay ng mga barya na nakapagpadagdag pa sa pagpapalito sa mga tao.

Samantala, inilabas ng BSP kahapon ang unang perang papel na may lagda ni BSP Governor Benjamin Diokno na umupo sa posisyon noon lamang Marso 6.
Ang pera ay kasama sa tinatawag ng BSP na New Generation Currency series kung saan kasama ang mga nakalilitong mga barya.

Pinamumunuan ni Diokno ang Department of Budget and Management bago siya itinalaga bilang BSP governor. (Eileen Mencias)