Labing-anim na container na naglalaman ng mga misdeclared agricultural product na nagkakahalaga ng P50 milyon ang nasabat ng mga awtoridad nang dumating ang mga ito sa Port of Manila galing China noong Agosto 8.
Ayon kay Port of Manila District Collector Arsenia Ilagan, nakapangalan ang mga shipment sa Shinerise Trading Service at prinoseso ng Customs broker na si Johnna Philipian Cristobal Aceveda.
Sa pagsisiyasat ng mga Customs examiner, natuklasan ang mga laman ng shipment na P20.080 milyong halaga ng mga carrot at sibuyas, P10.040 milyong broccoli, at P2.510 milyong patatas.
Batay umano sa inisyal na ulat, dineklara ang mga shipment na naglalaman ng mga fish ball na ang kabuuang halaga ng binayarang buwis ay umabot sa P2,542,882.
Inalerto umano ang shipment noong Agosto 14, 2019 dahil sa paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration, Misclassification and Undervaluation in Goods Declaration).
Isang warrant of seizure and detention ang inisyu laban sa mga naturang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Sabi ni Ilagan, inutos na niya ang pagkansela sa akreditasyon ng Shinerise Trading Service habang isinasailalim naman sa imbestigasyon ang Customs broker. (PNA)